Photo by: Google
Last night, I browsed through the old files in my computer then suddenly bumped with my old articles. Below is my unfinished work I tried to come alive when I was in college. I remember I want to finish this as a self-requirement to right a short story in Tagalog. But I guess I did not have enough inspiration that time so instead of 'xxx', this article ended with '...'. Now I don't know how to continue. Somehow I like how I crafted this; not good for a Tagalog story (I guess). I hope you'll enjoy reading, too. And hopefully my memory will bring back the lost words. J
PASADA
Hindi pa sanay ang aking pandinig sa ingay ng mga pabrikang halos
saklaw ang buong paligid ng aming tinitirahan. Bago pa sa aking pang-amoy ang
hindi kaaya-ayang hangin na aming nalalanghap. Iwas na iwas pa ang aking
pandama sa maalikabok na hanging dumadampi sa aming mga balat. Hirap pa ring
imulat ng aking mga mata sa masaklap na katotohanan ang aking sariling hindi pa
rin tanggap ang aming madilim na kapalaran.
Nabanggit ko ang mga katagang
ito na tangan-tangan hindi lamang ang aking sarili. Kasama ko ang aking
dalawang anak na babae at asawa na kagaya ko ay sanay pa rin sa mga tandang na
nanggigising, hangin na animo’y nangyayapos at nagpapagaling, at mga halama’t
bundok na nagpapamulat ng totoong pag-asa.
Halos ang buong diwa namin ay
uhaw na muling gumalaw sa tahanang inakala naming palaluan. Nais na naming
makawala sa aming kinasasadlakan. Kahit papaano ay gusto kong maiba naman sa
lahat ng aming mga gunita ang pumupuno sa aming tiyan. Hindi ko masisikmura na
maging ang pagkaing papasok sa aming kalamnan ay kasing dumi at baho ng
kapaligirang aming ginagalawan. Sa aking pamilya ako humuhugot ng pag-asa.
Nais salain ng aking dibdib ang
amoy na aking nalalanghap at singhutin ang bango ng masarap na sinangag na nakahain
sa aming hapag. Ang tustadong bawang ang nagpagana sa aming panlasa upang kahit
ang kahuli-hulihang butil ng aming agahan ay magpapuno sa aming tiyan. Walang
ano mang ulam, dasal ko na ang pagkaing ito ay magbibigay ng lakas sa aming
buong araw.
Nagsimula man na walang bago,
ramdam ko na mayroong kakaiba sa araw na ito. Malulutong na halik at matatamis
na ngiti ang pabaon ng aking mag-iina bago ko tuluyang baybayin ang landas na kailangan
kong tahakin. Bakas sa kanilang mga mukha ang pag-aalala bago ko pa man buksan
ang aming pintuan. Waring kakaibang mundo ang nag-aabang sa akin sa likod ng manipis
na kahoy na nagsisilbing pananggalang ng aming tahanan. Mahigpit na yapos naman
ang aking isinukli upang kahit papaano’y mawala ang kanilang pag-aalala.
Mabilis kong isinara ang pintuan
matapos akong makahakbang sa labas ng aming bahay. Isan-daan at dalawampung
hakbang pa papalabas – bilang ko na ang yabag na aking bubunuin upang makaalpas
sa waring kulungang aking kinabibilangguan. Ingat na ingat ang aking mga paa sa
paglakad. Iba’t iba man ang ginagawa nila, batid ko na sila ay tila mga ahas na
manunuklaw sa oras na ako’y may gawing mali o kahit sila’y makaramdam ng kaba
mula sa akin. Dahil dito ay naging gawain ko nang bahagyang iyuko ang aking ulo
at dumiretso sa paglalakad.
Kaliwa’t kanan, araw-araw kong
natutunghayan ang kakaibang mundo ng mga taong ito. Mga batang matatas kung
magmura at laro ni kamatayan ang alam paglibangan; mga mamang hindi ko mawari
kung saan galing ang pangtustos sa kanilang mga bisyo; mga aleng may matatag na
batok sa maghapong pagyuko kaharap ang mga baraha; at mga binata’t dalagang
marahil ay mas ninais mag-aral sa kalsada. Siguro ay tanggap ko na ang mga
sitwasyong ito, subalit ang hindi ko matanggap ay ang katotohanang ang aming
pamilya ay kabilang na sa kanila…batid ko mang kami ay naiiba.
Hindi ko hinayaang huminto ang
aking mga paa hanggang sa ika-isang daan at dalawampu’t isang hakbang nito
papalabas sa iskinitang iyon. Bansag nga ng karamihan na iyon daw ang ‘daanan ni kamatayan’. Hindi naman sila
masisisi sapagkat iyon ang kanilang nakikita at batid man ito ng mga taga roon
ay tanggap na nila ito. Pabor nga sigurong maituturing sapagkat walang sinumang
dayo ang nangangahas gumawa ng gulo sa kanilang teritoryo. Maging ang mga
opisyal ng gobyernong nais silang paalisin ay bahag na ang mga buntot ng minsan
silang kuyugin ng mga residente.
Medyo malayu-layo pa rin ang
paradahan ng sasakyan sa labasan ng daanan ni kamatayan. Ngunit gustuhin ko
mang sumakay na lamang, mas pipiliin kong maglakad sapagkat alam kong sapat
lamang ang laman ng aking bulsa sa aking pakay. Tagaktak man ang aking pawis
bago pa man makarating sa aking pupuntahan, napapawi
naman ang...
0 comments:
Post a Comment